Image From Google
MASUNGIT ang panahon ng araw na iyon. Malakas ang ulan at kung bakit naman noon pa dinapuan ng mataas na lagnat sina Ronel at Maggie. Wala ang kanilang mga magulang dahil parehong sa Maynila nagtatrabaho ang mga ito. Hindi naman iyon mahirap para sa magkapatid dahil katabi lang naman ng kanilang bahay ang kanilang mga tiyahin at ang bahay ng kanilang Lolo Johnny. Kapag ganito ang sitwasyon ay wala silang maaasahan kung hindi ang mga kamag-anak na kalapit bahay.
Edad Sampung taon si Maggie at Dose anyos naman ang kanyang Kuya Ronel. Galing sila sa eskwela at inabutan ng malakas na ulan kaya ngayon ay pareho silang inaapoy ng lagnat.
“Sinabi ko naman kasi sa inyo na huwag na huwag kayong magbabasa sa ulan. Uso ang trangkaso ngayon!” nag-aalalang sabi ni Aling Eda. May dala itong gamot..
“O, eto ang mga gamot.. .iniunin n’yo na!”
Sumang-ayon naman ang magkapatid. Bumangon ang mga ito at ininom ang gamot. Tapos ay kinain ang lugaw na dala rin ni Aling Eda.
“Pasensiya ka na Tiyang, pati ikaw ay naaabala sa nangyari sa amin!” Nahihiyang sinabi ni Ronel.
“Oo nga po!” sabat din ni Maggie.
“Okay lang! Hindi ko kayo pwedeng pabayaan, baka sabihin ng Itay n’yo hindi ko kayo inaasikaso!” Tugon ni Aling Eda, sige na. Magpahinga na kayo pagkatapos ninyong kainin ang lugaw!”
“Opo!” sabay na tugon ng dalawa.
Makalipas ang ilang sandali ay nakatapos na ng pagkain ang dalawa. Muling nagbalik sa higaan ang magkapatid. Binalot ng kumot ang mga katawan dahil pareho silang giniginaw.,
Gabi na ay patuloy pa rin ang pag-ulan ng mahina. Mag-aalas dose na ng gabi nang mawalan ng kuryente kung kaya nagdilim ang paligid sa kwarto ng magkapatid.. Nang pagkakataong ito ay waring tumaas pa ang lagnat ng dalawa kung kaya pareho silang lamig na lamig. Ganuon pa man ay malinaw pa rin ang isipan ni Ronel. Inalis niya ang nakatakip na kumot sa ulo.
“Maggie! Nasaan ba iyong posporo para sindihan ko ang gasera! Brown out, eh!” mahinang tanong ni Ronel sa kapatid.
“H-Hindi ko alam Kuya!” tugon ni Maggie, nanatiling nakatalukbong ng kumot.
“Ano ba ito! Kung kelan naman mayroon tayong lagnat ay saka pa nawalan ng kuryente!… Ginaw na ginaw pa naman ako!”‘ “Hanapin mo na lang Kuya! Hindi na talaga ako makakatayo dito! Ginaw na ginaw din ako!”
Akmang tatayo si Ronel nang maramdaman niya na mayroong nagbukas sa pintuan ng kwarto. Hindi niya maaninag kung sino iyon, basta ang alam niya ay babae iyon. Inisip nina Ronel at Maggie na iyon ang Tiya Eda nila.
“Tiyang! May dala ba kayong posporo! Kasi ang dilim, eh!” tanong ni Ronel.
“Huwag mo ng buksan ang ilaw Ronel! Wala ng posporo! Huwag kayong matakot sa dilim, babantayan ko naman kayo!” sabi ng babae.
“Salamat po!”
Hindi kumibo ang babae, bagkus ay tumayo ito at kinuha ang mas malaki at makapal na kumot saka inilagay sa magkapatid. Nakadama ng konting init ang dalawa. Kahit ma’ysakit ay hindi pa rin kaagad maipikit ng dalawa ang mga mata dahil hindi sila sanay sa dilim. Nangangamba sila na baka kapag tulog na sila ay iwanan na sila ng babaing nagbabantay sa kanila. Ang mga mata nila ay nanatiling nakatuon sa babae.
Iyon naman ang pagkakataong nagsalimbayan ang mga kulog at kidlat na bahagyang lumilikha ng liwanag na pumapasok sa loob ng kanilang kwarto. Dito naaninag ng magkapatid na ang babaing kasama nila sa kwarto ay hindi ang Tiya Eda nila kung hindi ang Lola Lydia nila na may limang taon ng patay. At ngayong maysakit sila ay dinalaw sila nito.
“L-Lola Lydia!” Gulat at natatakot na tawag ni Ronel.
“Huwag n’yo po kaming takutin! Huwag po!” sabi naman ni Maggie na napatayo na rin at nagtungo sa sulok ng kwarto.
Tumakbo rin kay Maggie si Ronel habang ang Lola Lydia nila ay nanatiling nakaupo sa upuang nasa isang bahagi ng kwartong iyon. Nakatingin lang sa magkapatid habang nagsasalimbayan ang mga kulog at kidlat.
“Tiya Eda! Lolo Johnny!” malakas na sigaw ni Maggie.
“Tiyang! Samahan mo kami dito…AAAAAH!” palahaw din ni Ronel.
Matapos ang malalakas na pagsigaw ng magkapatid ay itinakip nila sa kanilang mukha at katawan ang makapal na kumot upang hindi na nila makita pa ang Lola Lydia nila na nakaupo sa di kalayuan.
Ilang sandali pa ang lumipas ay nagulat sila nang alisin ni Aling Eda ang kumot na nakatakip sa kanila. Dala ni Aling Eda ang gasera at kasama nito si Lolo Jhonny.
‘Tiyang! Si Lola Lydia! Nandito siya kanina… dinalaw niya kami!” natatakot na sabi ni Maggie.
“Oo nga po Tiyang! Nakaupo siya kanina duon sa upuang iyon!” Itinuro ni Ronel ang upuang nasa di kalayuan.
“Hay! Naku dahil sa taas ng lagnat n’yo ay kung anu-ano ang nakikita at sinasabi n’yo. Matagal ng patay ang Inay, at ang isang patay ay hindi na muli pang babalik.” Sabi ni Aling Eda na hindi naniwala sa kanila.
“PeroTiyang…”
‘Tama na! Panaginip n’yo lang ang lahat! Huwag ninyong takutin ang inyong mga sarili!” Sabi naman ni Lolo Johnny.
Hindi na kumibo ang magkapatid dahil alam nila na kahit anong paliwanag ang kanilang gawin ay walang maniniwala sa kanila. Iisipin ng lahat na nagdedeliryo lamang sila o kaya ay nananaginip dahil mayroon silang sakit ng mga panahong iyon. Ngunit malinaw ang kanilang isipan. Nakita nila at nakasama sandali ang multo ng kanilang Lola Lydia na kahit nasa kabilang buhay na ay nagbalik pa para dalawin sila at bantayan. Patunay ang makapal na kumot na ibinalabal nito sa kanilang magkapatid para mapawi ang kanilang ginaw.
Ang pambihirang karanasan ay hindi makakalimutan kailanman ninuman. Gaya ng naranasan ng magkapatid na Maggie at Ronel nang gabing magkaroon sila ng karamdaman.
Ang isang gabi sa piling ni Lola Lydia!!! (Courtesy: Hauntedpocketbooks)